Miyerkules, Setyembre 23, 2015

Theater Review: KANSER@35 The Musical, Isang Bagong Kasaysayan sa Libro ng GTF

Mula sa grupo na nagsimula ng edutainment (education and entertainment), muling namamayagpag ang Gantimpala Theater Foundation Inc., (GTF) ngayong 2015 sa kadahilanang 35 taon anibersaryo na ng kanilang pagtatanghal ng isang klasiko – ang Kanser (Noli Me Tangere).


Mula sa isang simpleng pagsasadula ng isinulat ni Gat Jose Rizal, ngayong 2015 asahan natin ang isang kakaibang Kanser na makikita sa entablado – eto ay isang musical na!.  Matapos ang kanilang city at provincial tour ng Kanser@35 The Musical, muling nagbabalik sila sa AFP Theater ngayong Oktubre para sa kanilang gala show.

Idinerehe ni Franniel Zamora, libretto ni Jomar Fleras at nilapatan ng musika ni Jed Balsamo, ang Kanser@35 The Musical ay isang makasaysayang pagtatanghal sa historya, hindi lang ng GTF bagkus ng Noli Me Tangere sa pangkabuohan!  Binigyan buhay nina Michael Panganiban at Jacob Benedicto bilang Crisostomo Ibarra, Myra Mae Meneses bilang Maria Clara, Bodjie Pascua bilang Pilosopong Tasyo at ang iba pang kasama ng GTF, ang Kanser@35 The Musical ay isang bagay na hindi dapat palagpasin.


Ang Aking Obserbasyon Tungkol sa Produksyon

Una sa lahat, nararapat lamang na batiin ang pamunuan ng GTF sa kadahilanang nagawa nilang umabot sa ika-35 na taon ng pagtatanghal ang Kanser.  Sa mga pinagdaanan ng iba’t-ibang grupo sa entablado, hindi biro ang maabot ang ganitong karaming taon ng pagtatanghal ng isang piyesang pangdulaan.

Ang isa pang maganda sa produksyon na ito ay ang mga boses nina Bodjie Pascua (Pilosopong Tasyo), Myramae Meneses (Maria Clara), Jacob Benedicto (Crisostomo Ibarra), Albert Daniel Silos (Basilio) at Carlo Manalac (Padre Salvi). 

Si Bodjie Pascua ay batikan na sa entablado kung kaya alam na nating lahat na ang kalidad ng kanyang boses – may lakas – pwersa at damdamin.  Si Myramae Meneses ay isang dating mag-aaral ng musika kung kaya’t dinig mo ang kanyang control sa pag-awit.  Eksakto sa nota, timbre at lakas, nakikibagay sa kanyang kaeksena sa entablado.  Ang aking napanood noon ay si Jacob Benedicto bilang Crisostomo Ibarra kung kaya hindi ko mabibigyan ng aking opinion ang isa pa na gumanap sa nasabing katauhan.  Bilang Crisostomo ay nagawa niyang bigyang buhay ito kahit na hindi sya matatas gumamit ng wikang Filipino (sya ay laki sa ibang bansa).  Ang kanyang pag-awit ay nasa tama; ika nga ay pasok sa banga!  

Si Carlo Manalac bilang Padre Salvi ay isang napalakas ang boses sa entablado.  It leaves an impact  kung baga.  Buo at puno ng karakter bilang Salvi.  Ang batang gumanap na Basilio ay si Albert Daniel Silos.  Eto ang isang bata na hindi lang potensyal ang meron bagkus talento talaga.  Nagawa nyang kumanta ng hindi bumabasag ang boses kahit na ang eksena nya ay madrama!  Dahil bata pa lang, ang kanyang pag-abot sa manunuod ay hindi pa ganoon kalayo.  May hinaharap sa entablado ang batang ito (future).

Nakakatuwang tignan ang ilan sa mga ginamit na palamuti o alahas ng ilan sa mga nagsipaganap sa entablado.  Mula sa The Closet, ang mga piyesang ginamit ay sadyang pang-entablado talaga – may kinang na makikita sa malayo.  Hindi naman sya nagnakaw ng atensyon, bagkus binigyan nya pa ng dagdag na kinang at karakter ang ilang katauhan sa pagtatanghal.  Tulad na lang ni Dona Victorina, na nagawa nyang bigyan ng buhay ang entablado at magningning ng dahil na rin sa kanyang kasuotan (damit at alahas).

Maganda ang naging paghawak ng director sa ilang eksena.  Nagustuhan ko ang shadow play na ginawang  flashback, ang interaksyon nina Salvi at Maria Clara, ang eksena ni Sisa at ang kanyang mga anak (kahit na hindi madinig si Basilio ng maayos –technical issues) at ang pamamaalam na eksena.

Eto naman ang ilan sa aking piling komento patungkol sa produksyon:

Nawalan ng saysay ang pagkamatay ni Elias at Sisa dahil sa bilis ng pag-arte at kaganapan.  Ito ay isang markadong eksena sa libro.

May masasabing mali sa make-up ng isang aktor (lalake).  Imbes na maging matanda ay naging madumi ito para sa manunuod (Padre Damaso).

Mas naging makasaysayan pa ang sulat pagdating sa huli? Nasaan na ang isang bagay na syang dugtong ng Noli sa El Fili?

Sayang ang ilang karakter at eksena.  Mistulang binato lang nila ang kanilang dialogo.  (ikalawang parte ng pagtatanghal – may ilang eksena si Elias at Crisostomo na ganoon, away ni Dna. Victorina at Consolacion at ganoon din si Sisa na wala na ngang dialogo sa ikalawang bahagi.)
·                                          *                                                          *

BIlang pagwawakas, ang Kanser@35 The Musical ay isang pagtatanghal na magmamarka sa kasaysayan ng pagsasadula ng Noli Me Tangere.  Muli, isang pagbati ang inihahatid ko sa mga tao ng Gantimpala Theater Foundation sa walang tigil nyo na paghatid ng mga klasikong pyesa na binigyan ng bagong buhay para sa nagbabagong panahon!

Mga imahe mula sa ilang piling eksena ng pagtatanghal:
(Ang mga imaheng ito ay personal kong kuha habang nanunuod noong Press Preview)



Shadow play (flashback)

Jacob bilang Ibarra at
Myramae bilang Maria Clara

Basilio (brown top) at Crispin (white)



Padre Damaso at Ibarra

Dona Victorina at Consolacion





Elias

Ang Pamamaalam


Bodjie Pascua bilang Pilosopong Tasyo

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento