Sabado, Oktubre 24, 2015

Stage Appreciation: MGA BUHAY NA APOY ni Kanakan-Balintagos, Nagliliyab Sa Entablado


Matapos ang Mabining Mandirigma, eto na muli ang Tanghalang Pilipino para bigyang buhay sa entablado ang isang dula na nakakuha ng pinakamataas na paranggal sa katatapos lamang na Palanca Awards for Litereture – Full Length Play Division 2015, ang Mga Buhay na Apoy ni Kanakan-Balintagos.

Sa pagkakataong ito, dalawang pagbabalik ang naganap sa nasabing produksyon:  ang pagbabalik ni Kanakan-Balintagos sa kanyang unang mahal, ang teatro at ang pagbabalik sa entablado ng isang batikang actress na si Irma Adlawan bilang Leda Santos.  Dalawang nagbabalik, dalawang dahilan para magdiwang!

Base sa aking obserbasyon, ang Mga Buhay na Apoy ay isang dula na mailalagay sa kategoriyang melodrama.  May hugot, oo, pero walang malalim na balon na pinagmumulan.  Eto ay isang pagkwekwento ng isang sugat na hilom na, may closure na.  Madaming conflicts ang ipinakita – ang pagtanggap sa umalis na anak, ang kapatid na anak nyang tunay, ang dating nasa itaas ngayon ay unti-unti ng bumababa, ang multiple family issues, ang mga pinagdaanan, at ang paghanap ng mga kasagutan patungkol sa paniniwala.  Lahat ng ito ay nakita sa loob ng entablado, sa buhay ng mga Santos – nina Leda, Aurora Alba, Aran, Lili, Selmah at ang mga taong nakapaligid sa kanila. 


 Man VS Himself ang main conflict arc ng Mga Buhay na Apoy – ang paghahanap kasagutan sa mga katanungan at ang paghahanap kapayapaan sa sariling nakaraan.

Para sa isang 4-Acts Play, mabilis ang naging pacing nito.  Walang eksena na hindi kailangan, walang kaganapan na walang pinatunguhan.  Malinis ang mga transition, though may ilang eksena na medyo may shadow o dilim (light plot o mali lang ang prop’s plotting?).  Mahuhusay ang mga artista na napiling gumanap sa dulang ito.  Mula sa mga bida hanggang sa mga support, walang tulak-itapon.  Nakakatuwa ang gumaganap na Diwata o ang espiritu ng Palaw’an.  Ang kanyang mga hakbang ay sadyang tama para sa isang nilalang na konektado sa mundo ng hindi mortal; mga hakbang na parang hindi humahakbang.  May mga terminologo na ginamit na hindi ako pamilyar (have to brush-up my folklore knowledge), pero sadyang inilagay ng may-akda para maisalarawan ang kanyang pinagmumulan.  Tulad ng sinabi ko kanina, mabilis at malinis ang pacing at transition ng dulang ito, parang isang pelikula kung maihahalintulad – isang maliwanag na patunay na ang personal na kaalaman ng isang director o tao ay makikita sa kanyang (mga) gawa.

Aran at si Aurora
Tulad ni Leda Santos (matriarch) na naghahanap ng katahimikan sa kanyang nakaraan at ni Aran Santos (child/son) na naghahanap ng mga kasagutan sa kanyang hinaharap, tayo na manonood ay may mga ganoong situasyon sa buhay.  May ilan na pumupunta sa isang panibagong paniniwala para sa katahimikang hanap (Leda), may ilan na man na lumalayo para makita ito (Aurora Alba), may ilan na swerteng makapagsimula ng panibago pero may mga nais na hindi na balikan kung maari (Selmah) o di kaya ay bumabalik sa kanyang pinagmulan para maintindihan ang lahat (Aran).  Tulad natin sila, may kanila-kanilang uri ng katapangan sa buhay.  Sa iba, pwede nilang sabihing escapist attitude ang meron sa iba at tanging si Aran lang ang may tapang pero kung iisipin,  tapang din ang kailangan para magawa mo ang mga bagay na ginawa nina Leda, Selmah at Aurora Alba.  Hindi madali para sa isang priestess of the highest order na kalimutan at iwaksi ang kanyang pinagmulan para makalimutan ang mga pait na binigay ng buhay (Leda).  Hindi madali sa isang battered wife ang lumayo sa kanyang asawa at magsimula ulit ng kanyang buhay at wag pansinin ang maaring sabihin ng mga tao sa kanyang paligid (Selmah).  Hindi madali para sa isang anak na malaman ang isang katotohanan na pilit na itinatago sa kanya noon pa man (Selmah at Aurora). At hindi madali sa isang bata na maintindihan ang mga bagay-bagay na ayaw ipaliwanag sa kanya kahit na alam nya na at nadarama nya na parte ito ng kanyang pagkatao (Aran).

Lahat ng ito ay nabigyan ng liwanag sa loob ng mundo na isinulat at idinerehe ni Kanakan-Balintagos/Auraeus Solito na ngayon ay binigyang daan sa entablado ng Tanghalang Pilipino.


Ang Mga Buhay na Apoy ay isang dula na nagpapakita na ang pagtanggap sa mga bagay-bagay sa buhay ay magbibigay ng hinahanap na katahimikan o kapayapaan. Nawa mahanap nyo din ang katahimikan/kapayapaan na iyong nais tulad ng larawan na ipininta ni Aran na kung saan pinapakita ang kanyang dalawang pamilya – ang mga Santos’ at ang mga nilalang ng Palaw’an, na sama-sama at naging isa .


Maraming salamat Kanakan-Balintagos!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento