Sabado, Oktubre 24, 2015

Book Appreciation: MOYMOY LULUMBOY, Ang Nawawalang Birtud ni Segundo Matias Jr

Mula sa malikhaing pagsasama nina Segundo Matias Jr. at Jomike Tejido, sa pamamagitan ng Lampara Books, ay balikan natin muli ang nakakatuwa at kakaibang mundo (kakaiba nga ba?) ni Moymoy sa ikalawang libro na pinamagatang Moymoy Lulumboy 2,  Ang Nawawalang Birtud.


Mula sa unang libro na inilimbag noong 2014, eto na naman sila at dinadala tayong muli sa mundo ng mga maligno, aswang, manananggal, dwende, nuno, - mga tibaro; ang mundo ng Gabun.  Isang mundo na masasabing parallel sa mundo ng mga tao o kung di man parallel ay dalawang mundo (mundo ng tao at mundo ng mga tibaro) na nasa iisang lugar ngunit magkaibang espasyong ginagalawan. 

Syempre hindi mawawala ang mga character na ating nakilala na noon tulad nina Wayan, Ibalong Saryo, Montar, ang mga Apo, si Hasmin, at marami pang iba.  Mawawala din ba ang mga nakilala nating mga kontrabida na sina Pontoho at Buhawan.  Syempre hindi mawawala sa usapan ang bida na si Moymoy Lulumboy at ang kanyang kapatid na si Alangkaw.  Kung meron tayong mga minahal na character noon, ay meron tayong mga mamahalin ulit na mga character sa ikalawang libro na ito ni Segundo Matias Jr.  Ating kilalanin sina Lola Joy, Luigi at Carla, Robert, Maura, Elizza, Lea, at Mang Pekto.  Sino-sino sila at ano ang dala nila sa buhay ng ating bida na si Moymoy Lulumboy?

Sa unang libro ay nakilala natin ang mundo ng mga Tibaro. Ang kaibahan ng aswang sa manananggal. Ang pag-anapaya ng aswang, sa paglanaag ng mga manananggal.  Ang gabi ng Dugon at ang epekto nito.  Ang sumpa sa mga tibaro.  Ngayon naman sa ikalawang libro ay ating malalaman ang mga Salikot sa Amalao, makikilala din natin ang mga ekik, wakwak, mga damugong at pwede palang maging tibaro (lamanlupa/engkanto/maligno) and isang buntawi (tao).

Ano nga ba ang birtud?  Kakampi na nga ba talaga ni Moymoy ang kanyang kapatid na si Alangkaw? Patay na si Buhawan di ba? Sino na ang (mga) bagong katunggali ni Moymoy?  Lahat ng iyan ay masasagot kung ikaw ay bibili at magbabasa ng Moymoy Lulumboy 2, Ang Nawawalang Birtud na ngayon ay available na sa lahat ng Precious Pages Store.    

Ang aking diwa patungkol sa libro:
Tulad ng unang aklat, ang ikalawa din ay madaling basahin.   Kahit na nakahihigit ito ng 92 pages kung ikukumpara sa unang libro, madali pa din itong basahin.  Ang mga salita na ginamit ay hindi malalim at kung tutuusin ay nasa panahon.  Hindi ko alam kung saan ibinase ng may likha ang kanyang mga character pero dahil sa kanila kung kaya hindi naging malalim ang pananalita ng librong ito (mas lalo na si Tracy – ina sya pero casual ang bitaw nya ng salita kahit na ito ay may laman).  Para sa isang mabilis magbasa tulad ko, kayang tapusin ang libro na ito ng isang upuan.
 
Mapapansin din ang pagkakaiba ng debuho mula unang aklat sa ikalawang aklat.  Dahil na din sa onse anyos na si Moymoy kung kaya ang debuho ng libro ay hindi na ganoong pambata.  May mga katanungan lang ako base sa mga larawan na nasa aklat:

-          Sino yung isa nilang kasama sa hapag kainan (pahina 204-205)?
-          Ilan ba ang paa ni Bruno pag sya ay naging damugong, 2 o 4?

Since nasa tanungan portion na din lang ako, itatanong ko na lang din kung higanteng tao (12ft and above) ba na may pakpak ang ginagawang pagpapalit anyo nina Hasmin at Alangkaw?  Si Moymoy ay may diwani na maaring mag-enhance and manipulate ng sukat nya tuwing sya ay magpapalit anyo, kung kaya maiiintindihan ko kung sya ay maging mas malaki pa sa mga kabundukan.  Pero kung mas malaki pa sa malalaking kapre ang nagagawa nina Hasmin at Alangkaw, ibig bang sabihin nito na may bahid pa din ng diwani ang mga aswang? (Posible. Kasi sa folklore, ang mga aswang ay may sinasabing earth-magick, kung kaya pwede silang magpalit anyo. Ang tanging masama lang sa pagpapalit anyo nila ay para makopya nya ang mukha ng isang tao, ibig sabihin ay napatay na nya ang taong iyon.)

Si Wayan ay isang diwata na napangasawa ay isang aswang.  Ibig sabihin ba nito na ganoon ka potent ang dugo ni Buhawan kung kaya nagagawa niyang maging parteng aswang ang isang diwata at ang isang tao?  Apektado ba ng sumpa ang mga diwata o sadyang mga aswang at mananangal na nasa Gabun lamang?

Unti-unting pinapakita ang iba’t-ibang uri ng mga tibaro.  Kay sarap hintayin kung ano ang magiging adventure ni Moymoy sa mga susunod pang mga aklat at ang pagkakakilanlan nya sa mga iba pang uri ng mga tibaro sa loob at labas ng Gabun.

Hindi katakatakang maging piling libro ang MoyMoy Lulumboy, Ang Batang Aswang noong 2014 dahil sa aral na ibinibigay nito sa mga nagbabasa.  Aral na dala pa din hanggang ngayon sa Moymoy Lulumboy 2, Ang Nawawalang Birtud. . . ang kahalagahan ng pamilya.  Ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak (si Tracy kay Moymoy; si Diyosang Liliw para kina Alangkaw at Moymoy), ang pagmamahalan sa pagitan ng magkapatid (Alangkaw at Moymoy), sa mga kaibigan (Moymoy at Hasmin), sa mga nasasakupan (Si Wayan para sa mga tibaro ng Malasimbo) at sa mga estrangherong naging bahagi na ng ating buhay (Si Moymoy para sa mga tibaro ng buong Gabun).


Ang isa pang aral na ibinibigay ng libro ni Segundo Matias Jr., ay ang katapatan o loyalty.  Kahit na mali, naging matapat pa din kahit paano si Alangkaw sa nakilalang ama (holding unto the memory so to speak).  Si Wayan sa kanyang mga nasasakupan, ng tangkain nyang sirain ang *beep* kahit na sa asawa nya pa ito.  Si Maura, sa nakilala nyang nagbigay ng kalayaan nya (kahit na eto ay isang kulungan din pala –figuratively speaking).  At ang huling aral . . .

. . . wag magpatali sa mga bagay na material kung ang kapalit ay ang spiritual na yaman.  Basahin nyo ang libro ng maintindihan nyo ang aking sinasabi.



Halika at muling bisitahin ang mundo ng mga tibaro.  Kumuha na ng inyong kopya ng Moymoy Lulumboy 2, Ang Nawawalang Birtud sa pinakamalapit na Precious Pages Store at muling sariwain ang Gabun!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento